LOS ANGELES – “Maganda ang laban na ito dahil masusubok ang ating galing at lakas.”
Ito ang pagtatapat ni WBA (regular) welterweight champion at Sen. Manny Pacquiao, 40, sa exclusive interview sa kanya sa Los Angeles, California nina Bombo Radyo correspondents Ponciano Melo at Precilyn Silvestre Melo.
Ayon kay Pacman, pareho umano silang champion ni Keith Thurman, (29-0, 1 no-contest, 22 KOs), at kapwa may mga knockout abilities kaya siguradong maganda ang kalalabasan ng laban.
Ayaw namang patulan pa ng pambansang kamao ang mga pagmamaliit ng 30-anyos ma Amerikanong undefeated WBA super welterweight champion at sa halip ay ibinubuhos na lamang umano niya ang atensyon sa ensayo.
“Maganda naman ang ating training,” pagtitiyak pa ni Pacman (61-7-2, 39 KOs) na kitang kita na ang pagkasabik sa laban na magaganap sa July 21 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Samantala, kasabay nito lubos naman ang pagpapasalamat ng fighting senator sa mga kababayan na patuloy na sumusuporta sa kanyang laban at maging sa kanyang mga ginagawa sa Senado.
Nang tanungin naman ito kung balak ba niyang tumakbo sa presidential elections sinabi ni Pacman na malayo pa ito at gagampanan na lamang niya ang kanyang mga tungkulin para sa bayan.
Una rito, napagkamalan si Pacquiao na presidente ng Pilipinas ni NBA Portland Trailblazer superstar Evan Turner noong nakaraang NBA Western finals sa kasagsagan sa laban sa Golden State Warriors.