Tinawag ng Bureau of Immigration (BI) na maselan ang gagawing operasyon sa pagkuha sa unang batch ng mga Pinoy mula sa Wuhan City, China patungo ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Grifton Medina, immigration and port operations chief, sinabi nito na bagamat lahat ng mga sasailalim sa repatriation na mga Pinoy ay walang sakit o asymptomatic pero ingat na ingat pa rin ang mga otoridad dahil manggagaling sila mismo sa ground zero ng deadly virus.
Sa inisyal na impormasyon umaabot sa 56 katao ang nagbuluntaryong sumama sa eroplano, kabilang dito ang pitong mag-asawa, apat na mga bata at isang baby.
Gayunman, pwede pa umanong magbago ang naturang bilang sa huling sandali at baka umabot na lamang sa 36.
Iniulat naman ng DFA na limang miyembro ng medical team mula sa DOH ang susundo sa mga Pinoy at inaasahang darating sa Pilipinas, Linggo ng madaling araw.
Ang medical team ay binubuo ng dalawang doktor, dalawang nurse at isang medical technologist.
Samantala ayon kay Medina, hindi lalapag ang sasakyang chartered plane sa NAIA kundi diretso na sa Clark airport sa Pampanga nitong araw ng Linggo.
Hindi na rin umano dadaan sa lugar ng arriving passengers ang mga manggagaling sa Wuhan City kundi sa isang espesyal lane o hangar patungo na sa kanilang sasakyan na maghahatid naman sa quarantine site sa New Clark City sa Athletes Village sa Capas, Tarlac.
Iniiwasan din ng mga immigration officer na magkaroon pa ng face-to-face transaction sa mga pasahero kundi passport na lamang.
Lahat aniya ng sasalubong ay magsusuot din ng hazmat suit lalo na at manggagaling ang mga kababayan sa epicenter ng nCoV.
Maging ang mga kamag-anak ng mga OFW ay pinagbawalan munang makipagkita sa loob ng 14-day quarantine period.
Ang mga crew ng eroplano na susundo sa mga repatriates ay isasailalim din sa quarantine period.
Nakiusap naman ang DFA at BI sa media para sa kooperasyon na ipagbabawal muna ang coverage.
“Hindi muna sila puwedeng puntahan during that period kung sakali kasing merong lalapit kahit sabihin nating PNP, Bureau of Immigration o kahit sino kahit media kapag kayo ay lumapit in a certain meters in a way sa kanila ay isasama kayo sa ika-quarantine. Kasi tandaan po natin kasi ito sila ay nanggaling sa ground zero,” ani Medina sa Bombo Radyo.
Batay naman sa impormasyon, humigit kumulang sa 300 mga Pinoy ang nasa Hubei province.
Ilan sa mga ito ang nagsabi na rin sa Bombo Radyo na magpapaiwan sa Wuhan hanggang sa magbalik na ang normal na sitwasyon sa siyudad.
Ayaw daw kasi nilang mawalan ng trabaho at napamahal na rin sa kanila ang lugar.
Isa na rito ang OFW na nagngangalang “Micky.”
Sinabi ni Micky pati ang kanyang anak ay magpapaiwan sila sa Wuhan.
Sa kabilang dako, namigay naman ang DFA team ng grocery items sa ilang mga Pinoy na stranded sa lugar na hanggang ngayon ay naka-lockdown pa rin mula pa noong January 23.
Habang sinusulat naman ang balitang ito umaabot na sa 724 ang nasawi dahil sa nCoV kung saan ang pinakamaraming fatalities ay sa mainland China.
Habang lomobo naman sa 34,956 ang kinapitan ng virus.
Sa naturang bilang ng mga nagkasakit nasa 6,106 ang nasa severe condition.
Umaabot naman sa 2,355 na ang nakarekober.