Inamin ni Health Sec. Francisco Duque III na mataas ang posibilidad na tumaas ang bilang ng mga mag-positibo sa COVID-19 sa mga evacuation centers.
Ginawa ni Sec. Duque ang pahayag sa harap na rin ng pagsisiksikan ng mga taong inilikas dahil sa bagyong Ulysses kasama na ang mga nagdaan pang ibang mga bagyo.
Sinabi ni Sec. Duque, kaya mahalaga ang pagtatalaga ng mga safety officers na aktibo sa pagpapaalala sa mga bakwit ng mga dapat sundin laban sa COVID-19.
Ayon kay Sec. Duque, kasama sa dapat higpitan ang pagpapatupad sa mga evacuation center ay ang minimum health protocols gaya ng madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon, gumamit pa rin ng face mask at face shield at ang physical distancing.
Kailangan din daw ihiwalay ang mga high risk gaya ng mga matatanda at dapat isang pamilya lamang sa isang classroom o tent.
Dapat din daw agad magpakonsulta ang mga may sintomas ng COVID-19 gaya ng pananakit ng lalamunaN, ubo, sipon at lagnat para agad itong ma-isolate sa iba.
Maliban sa COVID-19, binabantayan din umano ng Department of Health (DOH) ang iba pang sakit sa panahon ng pagbaha gaya ng leptospirosis, pagtatae at iba pang sakit na nakukuha sa maruming tubig.
Iginiit ni Sec. Duque na mahalaga ang responsibilidad ng mga local government units (LGUs) sa pagtitiyak na natutupad ang minimum health standards sa mga evacuation centers.