Pinuna ng ilang mga senador ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa mataas na alokasyon para sa maraming mga lokal na proyekto sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senado sa proposed P666.47-billion budget ng DPWH para sa susunod na taon, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na maliban sa lumobo ang pondo para sa mga local projects, napansin din nila na malaki naman ang nabawas sa funding ng mga national projects.
Nagkaroon umano ng dagdag na P52.84-billion na pagtaas sa mga local projects, habang tinapyasan ng mahigit P11-bilyon ang pondo para sa mga national roads at tulay.
“What we see is a mangling of the entire appropriations in the agency,” wika ni Lacson.
“In general, ang nakita naming lumobo ay ‘yung mga local projects at ‘yung malalaking nabawas is ‘yung national projects,” dagdag nito.
Mayroon din daw silang nakita na mga multi-purpose building na binuhusan ng mahigit sa P67-billion.
Sagot naman ni DPWH Sec. Mark Villar, ang isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng NEP ay kanilang mga “suggestive indicative ceilings” lamang.
“We received many requests from various sectors for these buildings,” ani Villar. “There is a need to service them somehow so we do take it into account… We wanted to do pump priming in the countryside in communities that are hard to reach.”
Aniya, may kanya-kanya ring pangangailangan ang bawat komunidad sa bansa, at ang mga alokasyon ng DPWH ay nakabase umano sa naturang mga request.
Dahil dito, sinabi ni Lacson sa kalihim na ang ilang mga project, tulad ng konstruksyon o repair ng mga school buidling, ay dapat nang tanggalin sa budget ng ahensya dahil nakapaloob na ito sa funding ng ibang mga kagawaran.
“Para ‘di na lumobo budget ninyo, ilagay na lang sa DepEd ang naka-lodge sa DPWH, kayo rin naman mag-implement,” ani Lacson.
“It becomes confusing there’s a budget lodged with DPWH and another item, the same program na nasa DepEd naman,” dagdag nito.
Sumang-ayon naman si Villar sa “very sensible proposal” ng senador.