-- Advertisements --

Ikinalungkot ng Malacañang ang resulta ng panibagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na umabot sa 7.6 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ito ang dahilan kung kaya binuksan na ang ekonomiya ng bansa kahit may banta pa sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Sec. Roque, nauunawaan nila kung nakaranas ng pagkagutom ang mga Pilipino lalo na ang mga nasa sektor ng karpintero, drayber at konduktor dahil sa limitado ang transportasyon

“Unang-una nakakalungkot itong balitang ito. Kaya nga tayo nagbubukas ng ekonomiya para mapababa yung mga numero, lalong-lalo na yung mga nagugutom. Pero alam niyo po, ang Metro Manila–where 60 percent of our GDP comes from–matagal na po tayong naka-GCQ, “ ani Sec. Roque.

Inihayag naman ni Sec. Roque na hindi naman naging pabaya ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong sektor.

“Pero nagbibigay po tayo ngayon ng ayuda sa mga lugar na subject to localized lockdown. Patuloy po ang pagbibigay natin ng tulong doon sa mga nawalan ng trabaho. May dalawang programa po ang Department of Labor and Employment tungkol dito: Yung COVID-19 adjustment program at tsaka yung TUPAD; yung work-for-cash program, at nandiyan din po yung small business salary subsidy ng Department of Finance, at nandiyan din po ang Bayanihan 2 kung saan nagbibigay tayo ng mga pautang sa lahat ng mga nawalan ng trabaho na gusto magsumula ng sariling negosyo.”

Nakapaloob din umano sa P4.5 trillion 2021 national budget ang recovery at rehabilitation plan kung saan paglaanan ang pagbibigay ng mas maraming trabaho para mapababa pa ng husto ang bilang ng mga nagugutom.