-- Advertisements --

Tinatayang nasa mahigit 7 million Pilipino ang nakaalpas sa kahirapan kung napanatili sa target ng pamahalaan ang inflation rate sa nakalipas na 2 taon ayon sa NEDA.

Paliwanag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan na ang mataas na inflation rate na nasa average na 4.2% noong 2021 at 6.6% noong 2022 para sa bottom o mahihirap na 30% ng income households ay nagpahina sa purchasing power ng mga mahihirap na Pilipino.

Ang bottom 30% income households ay tumutukoy sa pamilyang Pilipino na kumikita ng mas kaunting pera kumpara sa iba.

Sa pagitan ng 2021 at 2022, ang average income ng pinakamahirap na 30% ng mga Pilipino ay tumaas sa average na 19.7%.

Base sa latest data mula sa Philippine Statistics Authority, nasa 25.4 million Pilipino o katumbas ng 22.4% ang namumuhay sa kahirapan sa unang kalahati ng 2023.

Kung naisakatuparan sana ang 16% na poverty incidence na katumbas ng 18.2 million indibidwal, nasa karagdagang 7.2 million Pilipino sanan ang nakaahon mula sa kahirapan.

Samantala, una na ring inihayag ng Marcos administration na target nito na maibaba ang poverty rate sa 9% pagsapit ng taong 2028 bago matapos ang termino ni PBBM.