CENTRAL MINDANAO-Patay sa engkwentro ng militar at pulisya ang kilabot na lider ng Armed Lawless Group (ALG) sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang terorista na si Abdulatip Pendaliday alyas Kumander Grasscutter.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy na nagsagawa ng law enforcement at anti-illegal drugs operation ang pinagsanib na pwersa ng 601st Brigade,Datu Paglas MPS at PDEA-BAR sa kuta ni Kumander Grasscutter sa Barangay Lipao Datu Paglas Maguindanao.
Paparating pa lang ang raiding team ay pinaputukan na sila ng mga armadong tauhan ni Pendaliday kaya nagka-engkwentro.
Napatay sa barilan si Kumander Grasscutter at nakatakas ang mga armadong tagasunod nito.
Narekober sa kuta ni Pendaliday ang apat (4) na kalibre .45 na pistola , isang .38 revolver, isang (1) granada, 1/4 na gramo na pinaghihinalaang shabu, dalawang (2) digital na aparatung pantimbang, at samot-saring bala ng matataas na kalibre ng mga baril at pampasabog.
Ang grupo ni Grasscutter ay nakipag-alyansa sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) kaya lalong lumakas ang pwersa nito at naghasik ng kaguluhan sa bayan ng Datu Paglas.
Nagpaabot ng kanyang pagbati at papuri si MGen Uy sa tropa ng pamahalaan sa bunga ng kanilang sakripisyo upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa buong rehiyon.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang mga alipures ni Kumander Grasscutter.