CENTRAL MINDANAO – Inaresto ng mga otoridad ang isang mataas na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Figters (BIFF) sa isang pagamutan sa Cotabato City.
Nakilala ang suspek na si Samad Masgal alyas Kumander Madrox, 43, may-asawa, umano’y kaalyado ng grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng BIFF-ISIS inspired group.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM), hinuli raw nila si Masgal katuwang ang militar at pulisya sa loob ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.
Nagpagamot si Masgal sa CRMC dahil sa sugat nito sa kaliwang braso at pinutol ng mga doktor.
Aksidente umanong nasabugan si Kumander Mabrox sa ginagawa nitong bomba kaya isinugod sa pagamutan ng kanyang pamilya.
Una rito, Agosto 14, 2016 ni-raid ng militar at pulisya ang bahay ni Masgal sa Midsayap, North Cotabato.
Nanlaban umano ang grupo ni Kumander Madrox kung saan may nasawi at nasugatan sa raiding team.
Narekober ng militar at pulisya sa kuta ni Masgal ang kalahating milyong pisong halaga ng shabu, mga armas, mga bala at bomba.
Kinumpirma rin ni Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) Regional Director Juvenal Azurin na mismo ang mga residente ng Midsayap, Cotabato ang nagbigay ng impormasyon sa kanila na dinala sa pagamutan si Masgal.
Nahaharap ang suspek sa kasong murder, multiple murder, extortion, robbery,illegal possession of firearms and explosives at drug trafficking sa North Cotabato at Maguindanao.
Nagpasalamat naman si Azurin sa tulong ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi at 6th ID chief, Maj. Gen. Diosdado Carreon sa pagdakip kay Masgal.