-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Mas hinigpitan pa ng Philippine Army ang pagbabantay sa Bulusan, Sorsogon matapos ang insidente ng pagkamatay ng itinuturing na mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA).

Nagresulta sa pagkamatay ni Ian Dreu Estrellado alyas Ka Ela, 32, residente ng Brgy. San Bernardo ang pagsilbi sana ng arrest warrant.

Nagtungo sa area ang team ng Police Regional Office (PRO5) at 31st Infantry Battalion sa naturang lakad subalit naaktuhan na kasama ni Estrellado ang mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang NPA members.

Nagkapalitan ng putok ng baril ang magkabilang grupo hanggang sa mamatay si Estrellado habang wala namang sugatan sa tropa ng gobyerno.

Nakuha pa sa pinangyarihan ng insidente ang isang carbine na may dalawang magazines at hand granade.

Napag-alaman na si Estrellado ang nahaharap sa kasong murder at positibong itinuturo ng mga dating kasamahan bilang vice commanding officer ng Platoon 1, Larangan 1, Komiteng Probinsya 3 sa Bicol Regional Party Committee (BRPC) sa ilalim ng mga pangalang Ela at Karding.

Patuloy rin ang paghahanap sa iba pang kasamahan nito kasabay ng panawagan na magbalik-loob na sa batas para makabalik sa lipunan.