BACOLOD CITY – Kulong ang isang high ranking official ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NPA) sa Cadiz City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Robert Mansueto, hepe ng Cadiz City Police Station, mayroon silang border monitoring control sa lungsod bilang bahagi ng precautionary measures laban sa Coronavirus Disease 2019 nang dumaan ang isang public utility vehicle mula sa Bacolod.
Dahil kailangang suriin ang lahat ng pasahero, pinababa ng mga pulis ang mga sakay nito ngunit ang suspek na si Gaspar Davao, 55-anyos, ay hindi sumunod.
Ayon kay Mansueto, hindi rin ito nakasuot ng facemask kaya kanila itong pinayuhan ngunit sumagot pa umano ito sa mga otoridad at ayaw bumaba.
Nakita ng mga pulis na may dinukot si Davao sa kanyang bag at nang makitang isa itong fragmentation grenade, agad nila itong inagaw.
Nakuha rin sa kanya ang ilang mahahalagang dokumento, P14,000 na cash, walong iba’t ibang unit ng cellphone at mga newsletter.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Cadiz City Police Station si Davao at nakatakdang sampahan ng kasong rebelyon at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulation.
Ayon naman kay Col. Inocencio Pasaporte, commander ng 303rd Infantry Brigade, isang finance officer at secretary ng North Negros Front si Davao.
Naniniwala rin itong maraming miyembro ng grupong National Federation of Sugar Workers (NFSW) ang mga rebelde at nagtatago lang sa asosasyon.
Hindi pa natutukoy kung bakit pumunta si Davao sa Bacolod at kung saan nanggaling at para saan ang P14,000 na nakuha sa kanya.