BUTUAN CITY – Kinumpirma ng militar na napatay ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) ng Mindanao matapos manlaban sa mga sundalo at pulis na maghahain sana ng warrant of arrest sa isang resort sa Purok Milion, Barangay San Agustin, Tandag City lalawigan ng Surigao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag Maj. Rodulfo Cordero ang Civil Military Operations (CMO) officer ng 401st Brigade Philippine Army, miyembro ng Executive Committee (EXECOM) ng Komisyong Mindanao (KOMMID) at dating tagapagsalita ng nasabing grupo na napatay na si Alvin Loque, alyas Joaquin Jacinto.
Inihayag ni Maj. Cordero na maghahain sana ng limang warrant of arrest para sa iba’t ibang kaso ang otoridad nang makipagbarilan umano si Loque sa operating troops na nagresulta kanyang pagkamatay.
Sinabi rin ng opisyal na sangkot din daw si Loque sa iba’t ibang pag-atake na kagagawan ng NPA sa mga patrol bases sa Agusan del Sur noong 2018 at pagbihag ng dalawang cadre at mga CAFGU members ng lalawigan.
Aniya, si Loque ang isa sa matinding nasugatan sa sunod-sunod na engkwentro na nangyari sa pagitan ng mga sundalo at rebelde sa Surigao del Sur noong Mayo nitong taon kaya bumababa ito sa nayon at nagpahinga.
Sinabi rin ni Maj. Cordero na may nagbigay sa kanila ng impormasyon sa eksaktong lokasyon ni Loque kaya napuntahan kaagad nila.
Dagdag ng opisyal, maliban kay Loque patay din sa nasabing operasyon ang isa pang kasamahan nito sa resort at narekober sa pinangyarihan ang mga subersibong dokumento, mga armas at granada.
Pinaiimbestigahan din ngayon ang resort na tinuluyan ng nasabing rebelde.
Nabatid na si Loque ay number 10 most wanted person sa PNP Caraga na may patong sa ulo na aabot sa P6 milyon.
Naging opisyal sa iba’t ibang progresibong organisasyon si Alvin Loque bago naging aktibong miembro at opisyal ng CPP-NPA-NDF.