Nakatakdang magsagawa ng pagsisiyasat ang House Committtee on Metro Manila Development tungkol sa isyu at mga reklamo laban sa mga inilabas patakaran ng Philippine Ports Authority o PPA.
Ayon kay Manila 2nd district Rep. Rolando Valeriano, chairman ng komite, partikular na kanilang iimbestigahan ang sobrang taas na singil sa “port fees” na inirereklamo na ng karamihan.
Binigyang- diin ni Valeriano na dapat itigil na ng PPA ang paglalabas ng anumang panibagong polisiya na ang resulta ay mas magiging pabigat lamang sa mga “end user” gaya ng mga negosyo hanggang sa mga consumer.
Kung maalala una ng naghain ng Senate resolusyon si Sen. Risa Hontiveros para paimbestigahan sa Senado ang mga isyu laban sa PPA.
Ang Philippine Coastwise Shipping Association o PCSA naman, naninidigan sa pagtutol sa electronic o e-ticketing system at mataas na “port fees.”
Ayon kay Edgardo Nicolas ng PCSA, “pahirap at pabigat” lamang ang mga ginagawa ng PPA at mayroong masamang epekto.
Sinabi ni Nicolas na hindi nagsagawa ng konsultasyon ang PPA sa iba’t ibang masasapol.
Naglabas na sila ng “position paper” kontra sa electronic o e-ticketing system at pagpapataw ng sobrang taas na “port fees.”
Nakahanda naman ang grupo nina Nicolas na dumulog at humingi ng tulong kay Pangulong Ferdinand Marcos kung kinakailangan para tuluyan nang ibasura ang mga patakaran ng PPA.
Ang e-ticketing system ay isa sa “full digitalization efforts” ng PPA maliban sa kontrobersyal na Trusted Operator Program – Container Registry and Monitoring System o TOP-CRMS.
Naniniwala ang grupo na pumalo pa lalo ang “port charges” hanggang sa 2,000% na labis na makakaapekto sa kanilang sektor at sa publiko.
Kamakailan nagsagawa ng pagdinig ang House Committee on Metro Manila Development sa pangunnguna ni Rep. Valeriano kung saan tinalakay ang traffic importation sa loob ng Manila Port.