-- Advertisements --
Comelec Spokesman James Jimenez
Comelec Spokesman James Jimenez /FB page

VIGAN CITY – Malabo umanong makamit ng Commission on Elections (Comelec) ang mataas na voter turnout para sa Overseas Absentee Voting para sa midterm election ngayong taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na pangkaraniwan na umano na mababa ang voter turnout tuwing midterm election kaysa sa presidential election kaya malabo na mas mataas ang voter turnout ngayon kung ikukumpara noong 2016 presidential election.

Aniya, tanging 21% mula sa kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan isasagawa ang overseas voting ang inaasahan ng poll body.

Isa umano sa posibleng maging rason ng mababang turnout ay ang lokasyon ng mga botante mula sa polling station o sa mga konsulada at embahada na magsasagawa ng botohan.

Ang mga lalahok sa overseas voting ay tanging mga senatorial candidates at party-list groups lamang ang kanilang pagpipilian, kaya mas maiksi ang kanilang gagamiting balota kung ikukumpara sa mga balota na gagamitin sa midterm election dito sa bansa sa buwan ng Mayo.