-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi na nagawang mailigtas ang buhay ng isang matadero matapos na pagtatagain ng sariling amo sa Brgy. Zone 7, Bulan, Sorsogon.

Patay ang biktimang si Rodrigo Gueta alyas Tutay, 36, matapos na pagtatagain ng among si Roger Hermosa, 54.

Pagbabahagi ni P/Maj. Joel Trinanes, hepe ng Bulan Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, selos ang pinaniniwalaang motibo sa insidente.

Ayon sa hepe, nagtungo na sa himpilan ng pulis ang suspek upang isumbong ang umano’y pakikiapid ng asawang babae kay Gueta subalit dahil sa kakulangan ng ebidensya, hindi masampahan ng kaso ang dalawa.

Nagulat na lamang ang hepe dahil sa muling pagbabalik ni Hermosa, kusa itong sumuko sa umano’y pagpatay kay Tutay matapos pagtatagain habang natutulog.

Sinabi pa ng suspek na hindi na napigilan ang sarili lalo na’t mismong ang anak ang kumumpirma ng relasyon ng biktima sa sariling asawa.

Samantala, sasampahan ang suspek ng kasong murder sa nagawang krimen.