-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng House Mindanao Affairs Committee na bibigyang mabilisang aksyon ang kasalukuyang pagsisikap ng Presidential on Marawi Rehabilitation Office para sa mga kapatid na Maranao-Muslim sa syudad ng Marawi,Lanao del Sur.

Pagtitiyak ito ni Misamis Oriental 2nd District Cong. Bambi Emano na siyang chairman ng komite na kabilang sa dumalaw at pisikal na pumasok sa tinaguriang Marawi Main Battle Area (MAA) para matukoy ang aktuwal na kinaharap na mga pagsubok kung bakit pitong taon na ang nakalipas ay hindi pa naibalik sa normal ang lugar.

Paliwanag ng kongresista na ang personal na pagbisita ng ilang Mindanaon congressmen at ilan mula sa Luzon ay alinsunod sa hiningi na panahon ni Lanao del Sur 1st District Cong. Zia Alonto Adiong na saksi kung paano nawasak at bumagsak ang ekonomiya at pamumuhay ng Maranao-Muslims na dalawin naman ang Marawi City.

Kabilang sa pagsisikapan na mabigyang mabilisan na pagtugon ay isyu ng mga koneksyon ng koryente,tubig at mismong housing units na babalikan ng libu-libong pamilya na napilitang umalis noong kasagsagan ng Marawi simula Mayo hanggang Oktobre 2017.

Magugunitang dahil nabigo maibalik ng dating administrasyon ng normal ang Marawi City ay nagpatupad ng ilang pagbabago ang Marcos administration kaya dinalaw ng ilang House of Representatives members kahapon.

Napag-alaman na nagsagawa pa ng protesta ang ilang taga-Marawi City upang ipaabot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang kasalukuyan nilang kalagayan.