Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na kayang tustusan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga inilikas na residente sa mga evacuation centers kasunod ng pagsabog ng Taal Volcano.
Magugunitang inihayag ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi pwedeng bumalik sa kanilang mga tirahan ang mga evacuees hangga’t hindi naibababa sa level 1 ang alert status sa Taal.
Kagabi, iniutos din ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala munang babalik sa mga apektadong lugar at lockdown muna sa mga bayang malapit sa bulkan.
Sinabi ni OCD Assistant Sec. Casiano Monilla, kayang i-sustain ng pamahalaan ang mga supply para sa mga evacuees.
Ayon kay Asec. Monilla, marami namang pwedeng mabilhan ng supply para sa mga evacuees basta hindi magsasara ang mga tindahan.
Sa ngayon, mayroon umanong naka-standy na mahigit 4,000 family foods packs ang nakahanda sa DSWD hub sa GMA-Cavite habang tuloy-tuloy naman ang repacking sa 210,583 raw materials sa kanilang warehouse sa Pasay.
Tiniyak din ni Asec. Monilla na mabilis ang pagbiyahe ng mga pagkain para agad na mapakinabangan ng mga inilikas sa mga evacuation centers.