BACOLOD CITY – Todo pasalamat ang mga na-rescue na overseas Filipino workers (OFW) galing Wuhan, China sa tulong ng dalawang kawani ng Philippine Consulate General sa Shanghai upang alalayang makaalis sa nasabing siyudad ang mga nais umuwi ng Pilipinas.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod, sinabi ni Rona Dublar, OFW mula Wuhan at kasalukuyang naka-quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac, sinabi nito na malaki ang naitulong sa kanila nina Mark Anthony Geguera at Sanny Darren Bejarin mula sa konsulada na siyang nagproseso sa kanilang mga dokumento para kaagad na ma-repatriate.
Nais naman ni Dublar sa ngalan din ng kanyang mga kasamahan sa quarantine area na sa pamamagitan ng Bombo Radyo Philippines ay mapasalamatan nila si Pangulong Rodrigo Duterte, Department of Foreign Affairs, Department Of Health at Philippine Consulate General sa Shanghai lalo na sa dalawang tinuturing nilang bayani na kasama din nila ngayon sa quarantine area o Athlete’s Village.
Malaking bagay umano ito sa kanila dahil nakauwi silang ligtas at nalayo sa banta ng 2019 corona virus sa tinaguriang ground zero.