-- Advertisements --
Sen Joel Villanueva

Ikinadismaya ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang matamlay na pagtugon ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa malawakang oil spill na nangyari noong Pebrero 28 sa Oriental Mindoro.

Nagtungo sa lalawigan ang mambabatas para sa isang situational briefing mula sa Philippine Coast Guard tungkol sa epekto ng malawalang maritime disaster matapos lumubog ang motor tanker na Princess Empress sa karagatan malapit sa mga bayan ng Nauhan at Pola, na nagpakawala ng hanggang 800,000 litro ng industrial fuel.

Inihambing pa ng senador ang DA, na kasabay ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa iba pang mga opisyales ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), na naging proactive aniya sa pagtugon sa oil spill.

Ipinunto ni Villanueva na ang oil spill cleanup ay tip of the iceberg lamang.

Dagdag pa ng senador, ang mga pangmatagalang solusyon tulad ng recovery roadmap para sa kabuhayan ng mga apektadong residente ay dapat ding ituloy sa lalawigan.

Sa kabilang banda, kinatigan naman ni Villanueva ang pagsulong para sa paglikha ng isang Department of Disaster Resilience na kung saan ay umani ng batikos na nagsasabing ang pagtatatag nito ay magiging kalabisan at laban sa layunin ng administrasyong Marcos na bigyang karapatan ang gobyerno.

Binanggit ng senador na ang pagtatatag ng isang hiwalay na kagawaran para sa disaster management ay hindi kalabisan kundi kailangan.