BUTUAN CITY – Pinuri ng Commission on Human Rights (CHR) ang kakaibang tapang na ipinamalas ni Judge Jocelyn Solis-Reyes sa paghawak ng kaso ng Maguindanao massacre sa kabila ng impluwensyado at makapangyarihang angkan ng mga nangungunang akusado.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Atty. Jacqueline de Guia, tagapagsalita ng CHR, hindi madali ang paghawak sa nasabing kaso lalo na’t nalagay sa peligro ang kanyang buhay at ang siguridad ng kanyang pamilya.
Ito ay kahit na ilang beses na rin ang pagtatangkang mapaalis siya nasabing lalo na’t marami na rin ang mga huwis ang nag-inhibit sa paghawak nito.
Hindi pa kasali dito ang matagal nang na-delay na pagpapalabas ng hatol dahil sa sobrang dami ng mga akusado.
Nandiyan din daw ang mga inaaral na mga papeles at sa mga testimoniyang tinitimbang matapos dinggin sa loob ng korte.
Ipinaliwanag ni Atty. De Guia na magkakaiba rin ang pagtrato ng husgado sa mga akusado depende sa kanilang partisipasyon sa krimen gaya noong mga inutusan lang o yaong mga accessories lang sa pangyayari.
Meron ding isyu sa kuntsabahan pati na ang nagplano at ang nag-utos na gawin ang nasabing krimen.
Ang iba umano sa mga naaabswelto ay resulta ng konsiderasyon sa kaanak ng mga biktima na nakakaintindi na wala silang ibang choice kundi gawin ang krimen dahil din sa banta ng kanilang buhay at sa buhay ng kanilang pamilya.
Dagdag pa ng opisyal, nakakabilib ang tapang na ipinakita ni Judge Solis-Reyes sa paninindigan nito sa kabila ng maraming mga pagsubok na kanyang nadaanan.