Ngayon pa lamang ay ramdam na ang patalbugan ng 45 official Miss World Philippines candidates, sa unang araw ng kanilang bubble training sa isang hotel sa Quezon City.
Kahapon nang magsimula ang bubble o ‘yaong hindi na maaaring makalabas sa naturang hotel ang mga kandidata, at tila showdown na agad ang mga ito sa kanilang arrival outfits pa lamang.
Una nang naging matunog ang pangalan na early favorites para manalo ay ang actress/singer na si Emmanuelle Vera, mga “repeater” na sina Dindi Pajares at Rufa Nava, at ang reporter turned beauty queen na si Ganiel Krishnan.
Nabatid sa post ni Dindi na sumailalim sila sa swab test kung saan nakahinga siya ng maluwag dahil sa negative COVID (Coronavirus Disease) result.
Unang siyang sumali sa 54th Binibining Pilipinas noong 2017 pero bigong magwagi, habang si Ruffa ay sumali sa Miss World Philippines noong 2014 at hindi rin pinalad.
Dahil sa pangalang Dindi at Ruffa, sinasabing magpapaalala ito sa naging mahigpit na kompetisyon nina Dindi Gallardo at Ruffa Gutierrez sa 30th Binibining Pilipinas noong 1993.
Naging kontrobersiyal ang showdown kung saan si Gutierrez umano ang pinapaborang manalo ng Binibining Pilipinas-Universe crown, pero si Gallardo ang nakasungkit nito.
Kung maaalala, ang half American na si Megan Young ang first ever Pinay na nakapagbigay sa bansa ng Miss World title noong 2013.
Habang noong 2019 bago magka-COVID pandemic, ay hanggang sa Top 12 ang bansa sa Miss World sa pamamagitan ng anak ni 1979 Miss International Melanie Marquez na si Michelle Dee.
Nitong weekend nang matagumpay nang maidaos ang Binibining Pilipinas pageant kung saan nakuha ng Masbate beauty ang top prize bilang kinatawan ng bansa sa Miss International ngayong taon.
Dalawang linggo naman tatagal ang hotel lock-in ng Miss World Philippines candidates, bago ang coronation night sa darating na July 25.