Humigit-kumulang apat na araw matapos maparalisa ang mga operasyon dahil sa isang jet na lumampas sa runway, bumalik na ang Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sa 24/7 operation.
Ginawa ng Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) ang anunsyo alas-8 ng gabi noong araw ng Huwebes, Oktubre 27.
Matatandaang naging limitado lang ang mga operasyon sa pangalawang pinaka-abalang gateway ng bansa sa mga daytime flight sa pagitan ng Oktubre 25 at Huwebes ng gabi, Oktubre 27 pagkatapos lumampas ng runway ang Korean Air flight na KE631 noong Linggo, Oktubre 23.
Dagdag dito, pinayagan lamang na lumipad at lumapag ang mga flight sa pagitan ng 5:00AM at 5:00PM dahil nasira ng insidente ang ilang mga ilaw sa runway.
Samantala, ang MCIAA, ang state body co-managing Mactan airport, ay patuloy na nagpapaalala sa mga pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airlines para sa status ng kanilang mga flight.
Patuloy pa rin ang mga imbestigasyon upang bigyang linaw kung bakit nag-overshoot sa runway ang Korean Air flight KE631, isang Airbus 330 jet , sa gitna ng malakas na pag-ulan noong Linggo.