LEGAZPI CITY – Ipinag-utos na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang decampment ng mga evacuees sa Albay na apektado ng mahigit sa tatlong buwang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Cedric Daep ang Chief ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, napagdesisyonan ng council na pauwiin na ang mga residenteng mula sa 6km permanent danger zone dahil sa patuloy na pagbaba ng mga aktibidad na naitatala ng Bulkang Mayon.
Karamihan naman umano sa volcanic materials na ibinabagsak nito ay umaabot na lamang sa 4km danger zone na malayo na sa tirahan ng mga residente, habang patuloy ang fluctuation ng bulkan kung kaya hindi na ito nakakaipon ng pressure at mabababa na ang posibilidad ng magmatic erruption.
Kabilang pa sa mga dahilan sa pag-uutos ng decampment ay upang makabalik na sa normal na buhay ang mga evacuees, makapagmahinga na ang mga lokal na gobyerno at makapaghanda sa papalapit na eleksyon.
Tiniyak naman ng opisyal na dumaan sa mga pag-aaral ang naturang kautosan habang mananatili pa rin na nakaalerto ang mga otoridad at magbabantay sa sitwasyon ng bulkan.
Sakali naman na muling dumami ang aktibidad nito at itaas ang alert level 4 ay magpapaotob muli ng evacuation.
Samantala base naman sa ating pakikipag-ugnayan sa mga lokal na gobyerno, wala pang ipinatutupad ngayon na decampment sa bayan ng Camalig na nakatakda pang magsagawa ng meeting kaugnay ng naturang kautosan.
Inaasahan naman na may matitira pa ring mga evacuees sa naturang bayan dahil may mga residenteng nakatira na sa 5km danger zone ng Bulkang Mayon.
Sa bayan naman ng malilipot ay bukas na lamang sisimulan ang decampment ng mga evacuees, habang nakatakda pang magpalabad ng pahayag ang mga lokal na gobyerno ng Tabaco at Ligao na mayroon rin na mga evacuees.