-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng Palarong Bicol naghahanda naman ngayon ang Department of Education para sa Palarong Pambansa sa isasagawa sa Marikina City sa darating na Hulyo 29 hanggang Agosto 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Francisco Dexter Sison ang Division Sports Officer ng Legazpi Schools Division Office, ipinagpapasalamat nito ang naging kooperasyon ng ibat ibang ahensya ng gobyerno at mga local government units na host sa aktibidad kabilang na ang Legazpi City, Ligao, Naga City, Tabaco at Albay.

Sa 13 Schools Division Office na naglaban-laban sa Palarong Bicol ngayong taon, kampiyon ang Naga City na nakaipon ng 76 na gold medals, 58 silver, at 69 na bronze.

Sinundan yan ng Camarines Sur na may 56 na gold, 63 silver at 68 bronze; pangatlo ang Camarines Norte, Ligao City, Sorsogon at Legazpi naman ang pang-anim na pwesto.

Sa ngayon ay tuloy naman ang training ng mga atletang pasok na sa Palarong Pambansa.

Tiniyak naman ng DepEd na hindi maapektohan ang pag-aaral ng mga atleta na sasabak sa kompetisyon dahil gagawin lamang ang training tuwing bakanteng oras o pagkatapos ng klase, base na rin yan sa naging kautosan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.