Hindi naiwasang maglabas nang hinanakit si dating PNP chief Oscar Albayalde kasunod nang pagbasura ng Office of the Ombudsman sa graft charges na isinampa sa kanya ng Department of Justice (DoJ).
Ayon sa dating PNP chief, labis umanong nasaktan ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang mga anak dahil sa mga maling akusasyon laban sa kanya.
Pero dahil sa desisyon ng DoJ na ibasura ang kanyang drug charges noong 2020 at ang graft charges ng Office of the Ombudsman ay kongkreto na raw itong validation na ang personal na atake sa kanya ay walang basehan at wala talagang ebidensiya.
Dahil dito, nagpasalamat si Albayalde sa lahat ng mga taong sumuporta sa kanya at maging sa DoJ a Ombudsman dahil una pa lamang daw ay mayroon na itong tiwala sa justice system ng bansa.
“It has been especially hard on my children who were immensely hurt by these false accusations. The decision of the Department of Justice and the Office of the Ombudsman is a concrete validation of what I’ve always insisted, that these personal attacks were baseless and without evidence. As I have maintained since the beginning, I have placed my full trust in our justice system, and thankfully the truth has prevailed. To God Be the Glory!,” ayon sa dating PNP chief.
Una rito, base sa 14 pahinang resolusyon, wala raw sapat na basehan para patunayan ang anumang unlawful act o omission sa bahagi ni Albayalde.
Enero 16 noong nakaraang taon nang inirekomenda ng DoJ Panel of Prosecutors na kasuhan sa korte ang 12 sa 13 na mga pulis sa pangunguna ni Police Major Rodney Baloyo na tumatayong respondents sa isinampang kaso ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga tinaguriang ninja cops ng Pampanga.
Sa inilabas na resolution ng DoJ kabilang sa mga pinakakasuhan si Albayalde dahil sa paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act na isusumite naman sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa DoJ, ito ay dahil sa pag impluwensiya ni Albayalde sa ibang opisyal ng gobyerno para protektahan ang kanyang mga tauhan at dahil na rin sa hindi pagpapatupad ng kautusan na masuspindi ang kanyang mga dating tauhan sa Pampanga na kasama sa anti-drug operation noong 2013.
Pinakakasuhan din ng DoJ ang 12 sa 13 dati nitong tauhan na inirereklamo ng CIDG kabilang na si Police Maj. Rodney Baloyo.
Ayon sa DoJ, mayroong probable cause para asuntuhin sina Baloyo at 11 tauhan nito dahil sa paglabag sa paglabag sa Sec. 27, 29 Art II ng Republic Act 9165 dahil na rin sa hindi pagdedeklara ng tama sa kanilang nakumpiskang iligal na droga at planting of evidence kabilang na ang paglabag sa Sec. 3 at 92 Art XI ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ng DoJ, nagkaroon ng misappropriations ang grupo ni Baloyo nang 36.60 kilos lamang ng nasabat nilang droga ang isinama nila sa kanilang report kahit pa lumabas sa imbestigasyon na mayroon talagang halos 200 kilo ng iligal na droga ang kanilang nakumpiska sa operasyon.
Nasa P300,000 lang din ang idineklara ng grupo ni Baloyo na nakumpiska nila sa operasyon sa kabila nang aabot talaga ito sa P10 million.
Ibinasura naman ng DoJ Panel ang reklamo laban kay PO2 Anthony Lacsamana dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Ayon sa DoJ, base sa mga ebidensiya, hindi bahagi ng anti-drug operation si Lacsamana.
Ang three-man panel ng graft probers ay pinangunahan ni Director Moreno Generoso at pirmado ng mga investigators na sina Lucielo Ramirez Jr. at Bonifacio Mandrilla.