Kaagad bumuhos ang papuri para sa Swedish climate activist na si Greta Thunberg matapos nitong ipamalas ang kaniyang tapang sa paglalahad ng kaniyang saloobin ukol sa totoong problema na kinakaharap ng mundo.
Para sa 16-anyos na aktibista, wala raw magagawa ang umano’y walang kwentang pangako ng mga world leaders kung hindi sila makakaisip ng konkretong aksyon upang resolbahin ang problema sa climate change.
Sinuportahan naman ito ng ilang matataas na opisyal tulad na lamang ni Sen. Kirsten Gillibrand kung saan pinalakpakan niya ang ipinaglalabang adbokasiya ni Thunberg.
Maging si California State representative Buffy Wicks ay natuwa sa lakas ng loob ni Thunberg at tinawag pa itong makabagong bayani ng henerasyon.
Sa kabila nito, marami pa rin ang tumataliwas sa ipinaglalaban ni Thunberg. Anila, dapat daw ay nag-eenjoy na lamang ito sa pagiging bata at hindi na nakikiaalam pa sa problema ng matatanda.