-- Advertisements --
V7
IMAGE | Health Usec. Maria Rosario Vergeire/Screengrab, DOH

MANILA – Pinapayagan ng Department of Health (DOH) ang local government units na unahin sa pagbabakuna ng A4 priority group ang mga manggagawa na mas matanda ang edad.

Ito raw kasi ang nakikitang stratehiya ng pamahalaan dahil limitado pa rin ang supply ng Pilipinas sa COVID-19 vaccines.

“Kaya natin pino-propose itong age stratification because we know na yung dating ng supply might not be enough to cover all of this A4 sector,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Batay sa tala ng DOH, tinatayang 22-milyong manggagawa ang pasok sa A4 priority group sa buong bansa.

Ngayong araw nag-umpisa ang pagbabakuna sa essential workers ng National Capital Region at walong lalawigan.

“Kapag dumating ang supplies at tingin nila hindi husto para sa kompanya, o ang local governments para sa kanilang informal workers, maaari nating gamitin ang age stratification na mag-uumpisa tayo sa mga pinakamatatanda hanggang dumating tayo doon sa mga pinakabata.”

Sa ilalim ng DOH Memorandum No. 2021-0259, nakasaad na pwedeng unahin ng LGUs ang essential workers na edad 40 hanggang 59, bago ang mga grupo ng 18 hanggang 39-years old.

“In situations where there is a limited supply of COVID-19 vaccines.”

Ayon kay Vergeire, maglalabas pa ng operational guidelines ang pamahalaan kung paano wastong maipapatupad ang naturang stratehiya sa pagbabakuna ng A4 priority group.