Ibinunyag ng Management Association of the Philippines (MAP) na ang labis na pagtaas sa presyo ng mga bilihin ang pangunahing dahilan ng malnutrisyon at pagkabansot ng mga batang Pinoy.
Ayon sa Campaign Against Malnutrition and Child Stunting (Camacs) ng Management Association of the Philippines, karamihan sa mga Pilipino ay may mataas na lebel ng kamalayan ukol sa malnutrisyon at pagkabansot.
Gayonpaman, malaking hamon sa kanila ang kawalan ng sapat na supply ng masusustansiyang mga pagkain dahil sa labis na kahirapan.
Batay sa inilabas na survey na isinagawa mula Agosto-1 hanggang Agosto-4, 25.1% ng mga respondents ay nagsabing batid nila ang problema ukol malnutrisyon, habang 21.1% ay nagsabing batid nila ang problema sa pagkabansot.
Ang pangunahing problema lamang, batay pa rin sa nasabing survey, ay ang una: mataas na presyo ng bilihin; pangalawa: limitadong supply ng mga fresh products sa kanilang sariling lugar. Pangatlo ay ang kawalan ng transportasyon para makabili ng masusustansiyang pagkain, habang panghuli dito ay ang kulang na impormasyon ukol sa kung ano ang tamang nutrisyon.
Samantala, lumalabas din sa nasabing survey na 48.4% ng mga respondents ang nagsabing nakakakain sila ng mga gulay at prutas dalawa hanggang anim na beses sa isang linggo.
36.3% ang nagsabing araw-araw silang kumakain ng gulay at prutas habang 10.7% ang nagsabing kumakain lamang sila ng isang bes sa isang linggo.
Para sa meat consumption, 52.1% sa mga respondents ang nagsabing nakakakain sila ng karne, dalawa hanggang anim na beses sa isang linggo, habang 28.5% ang nagsabing nakakakain sila ng karne isang bes sa isang linggo.
Natuklasan din sa nasabing survey na 36.5% sa mga respondents ang nagsabing kumakain sila ng processed food isang bes sa isang linggo habang 34.5% sa kanila ang kumakain ng fast food dalawa hanggang anim na beses sa isang linggo.