-- Advertisements --

Aabot na sa P70,000 ang maximum maternity financial assistance na maaaring maibigay ng Social Security System (SSS) simula sa Enero ng susunod na taon.

Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer (CEO) Aurora Ignacio, kasunod na rin ito ng implementasyon ng Republic Act No. 11210 o ang Expanded Maternity Law at ng SSS Act of 2018.

Ayon kay Ignacio, tataas ang SSS benefits na makukuha ng mga miyembro dahil na rin sa ipinatutupad na bagong minimum at maximum monthly salary credit.

Dahil daw dito, aabot sa halos doble ang maternity benefit na makukuha ng isang ina na dating nakatatanggap lang ng P32,000.

Inihayag pa ng SSS CEO na mula nang ipatupad ang Expanded Maternity Leave Law, umabot na sa higit 122,000 ina ang nakapag-avail ng expanded maternity benefit.

Katumbas ito sa P2.67 billion na maternity benefits mula January hanggang April nitong taong, mas mataas ng 15.09 percent sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.