Tiniyak ng Department of Health (DOH) na pasado sa international standards ang mga materyal na gagamitin para sa mga personal protective equipment (PPEs) na gagawin dito mismo sa Pilipinas.
Sisimulan na kasi agad pagkatapos ng Semana Santa ang lokal na produksyon ng mga medical grade na PPEs na ginagamit ng mga doctor, nurse at iba pang mga healthworker sa bansa na siyang mga frontliners sa laban kontra coronavirus pandemic.
Ayon kay DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, sertipikado ng isang international accreditation firm ang mga materyales para sa PPEs.
Magsisilbi naman aniyang supplier sa pag-import ng naturang mga materyales mula sa ibayong dagat ang Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP).
Inaasahan umanong darating sa bansa sa Huwebes Santo, Abril 9, ang mga materyales.
“Ramdan ng kagawaran ang pangamba ng ating health workers dahil sa kakulangan ng PPEs,” wika ni Vergeire. “‘Di lang tayo ang nakararanas nito kung hindi pati na ang ibang bansa.”
“Ang PPE ay hindi lang basta-basta puwedeng gawin ng kahit sino,” dagdag nito. “Ito ay gawa sa medical grade na material at may sinusunod na standards.”
Una rito, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, may kakayanang makagawa ang CONWEP ng 10,000 PPE sa isang araw.
Naglabas na rin aniya ng kautusan ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs para hindi na ito patawan pa ng taripa at buwis ang mga raw material na iaangkat para makagawa ng mga ito.