DAVAO CITY – Nagpatupad ngayon ng pagbabago ang lungsod ng Mati LGU patungkol sa kanilang temporary total lockdown laban African swine fever (ASF).
Sinasabing papayagan na ng lalawigan ang pagpasok ng pork products maliban lamang kung nanggaling ito sa Luzon at iba pang mga ASF-affected areas.
Sa pamamagitan umano ng Executive Order No. 30 Series of 2020, inamyendahan ni City of Mati Mayor Michelle Nakpil Rabat ang Executive Order No. 20 kung saan sakop lamang ng ban ang Luzon at iba pang lugar na apektado ng ASF.
Ginawa ang nasabing hakbang matapos na tiniyak ng Provincial Veterinarian Office sa
city government ng Mati na magpapatupad sila ng mahigpit na checkpoints sa pamamagitan ng 24/7 basis sa mga entry at exit points sa probinsiya.
Ayon pa kay City Health Officer Dr. Ben Hur Catbagan, lumapit ang traders sa provincial government at nakiusap kay Mati City Mayor Michelle Rabat na ‘wag ng higpitan ang pagpapatupad ng lockdown.
Tiniyak naman ng lalawigan na may mga contingency plan sila kung makapasok na ang ASF sa Mati.
Hindi naman isinantabi ng lalawigan na sa gitna ng mahigpit nila na biosecurity measures, mataas pa rin ang posibilidad na maapektohan rin sila ng swine disease dahilan na doble ingat sila para hindi ito makapasok.
Una na ring sinabi ni Mati City Veterinarian Services Office head Dr. Marites Erispe na nagsagawa na rin sila ng mga information drive sa iba’t ibang mga barangay kung papano mamonitor at maiwasan ang ASF.