-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Wala umanong takas ang mga suspek sa pagpatay kay Eduardo Sanchez Dizon sa Brigada News FM-Kidapawan.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Gensan kay Police Col. Maximo Layugan, provincial director ng South Cotabato mayroong CCTV camera sa ibaba ng building kaya kitang-kita ang mga suspek.

Ayon dito, matibay na matibay ang ebidensiya ng kaso na nagtuturo sa mga suspek at na-file ng kaso sa piskalya kung saan ito’y cleared na.

Una rito, iprinisinta na sa MalacaƱang sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa panganguna ni Communications Sec. Martin Andanar ang isang suspek at testigo sa pagpatay kay Dizon.

Binaril ang station manager na si Dizon habang pauwi noong gabi ng July 2019 sa national highway ng Quezon Boulevard Cor. Diversion Road, Sinsuat St., Kidapawan City.

Kabilang sa iniharap si Helario Lapi Jr., ang look-out sa krimen at Renato Seguncillio na siyang nakasaksi sa pamamaril.

Ayon kay Lapi, kasama siya sa meeting na ipinatawag ng Kabus Padatuon (KAPA) leader na si Dante Tabosares alyas Bong Encarnacion kung saan nito iniutos ang pagpatay kay Dizon dahil sa pagiging kritikal sa KAPA scheme.

Kabilang pa sa akusado sina Junell Gerozaga na siyang gunman at Jun Jacolbe na kanang-kamay ni Tabosares.