Masusubok umano ang China sa matindi nitong ilalatag na sistema at patakaran sa mga atleta na sasabak sa Winter Olympics sa susunod na buwan.
Inaasahan ng mga organizers na nasa 2,000 international athletes at 25,000 pang mga staff o “stakeholders” ang bubuhos sa China para sa Winter Games na magsisimula na sa Feb. 4.
Sinasabing masyadong metikuloso ang China sa laban sa COVID-19 lalo na at dalawang taon na ang nakakalipas ng unang matukoy ang virus sa siyudad ng Wuhan.
Kabilang sa pinapairal na hakbang ng China ay ang kontrobersyal na zero-tolerance policy, mahigpit na contact tracing, istriktong mga lockdowns, at ang pagbabawal sa international arrivals kung sakali.
Kumpiyansa naman si Yan Jiarong, spokesperson ng organizing committee, na ang kanilang ipapatupad na safety measures laban sa COVID ang siyang titiyak na tuloy at walang kanselasyon ng Winter Olympic Games at Winter Paralympic Games.
Sinasabing mas mahigpit pa ang diskarte na gagawin ng China kumpara sa ginanap na Olympics Games noong nakaraang taon sa Tokyo, Japan.