Tumitindi ang mga nararanasang pag-ulan sa ilang bahagi ng Myanmar nitong nakaraang linggo, na nagdulot ng pangamba sa mga awtoridad para sa kanilang rescue operation na nagpapahirap sa mga pag-hahanap ng mga biktima ng lindol.
Ayon sa aid agencies posible din aniyang magdulot ito ng pagkalat ng mga sakit tulad ng cholera para sa mga nakaligtas na ‘walang mga tirahan at piniling matulog sa labas.
Samantala, umabot na sa 3,471 ang bilang ng mga nasawi mula sa malakas na lindol na tumama noong Marso 28, habang 4,671 ang naitalang nasugatan at 214 ang napaulaat na nawawala.
Hiniling ni United Nations aid chief, Tom Fletcher, ang karagdagang mga tolda upang matulungan ang mga pamilyang nawalan ng tahanan at maprotektahan ang mga ito mula sa masamang kondisyon ng panahon.
‘Families sleeping outside the ruins of their homes while bodies of loved ones are pulled from rubble. Real fear of more quakes,’ pahayag ni Fletcher sa kanyang social media.
Patuloy namang nagpadala ng tulong ang mga kalapit na bansa sa Myanmar tulad ng China, India, kasama na ang Pilipinas at iba pang mga bansa sa Southeast Asia upang tumulong sa mga apektadong lugar.
Gayunpaman, may mga alalahanin din ukol sa kakulangan ng mga humanitarian operations mula sa Estados Unidos matapos bawasan ang kanilang foreign aid program.
Sa kabilang banda, sa Thailand, iniulat na umabot na sa 24 ang mga nasawi, kabilang ang 17 na namatay sa pagbagsak ng isang mataas na gusali sa Bangkok.