-- Advertisements --

CEBU CITY – Apektado ang dose-dosenang mga pasahero at motorista sa iba’t ibang bahagi ng Metro Cebu matapos na-stranded dahil sa pagtaas ng tubig baha dulot ng nararanasang malakas na buhos ng ulan.

Naiulat ang pagbaha sa ilang lugar sa mga lungsod ng Cebu at Talisay dahil sa malakas na pag-ulan na tumagal ng ilang oras nitong Miyerkules ng hapon.

Kahapon, Hunyo 5, nang bumuhos din ang malakas na ulan at pitong sitio sa Barangay Basak Pardo ang naiulat na lubog sa tubig baha na abot hanggang beywang.

Kabilang sa naapektuhang sitio ay ang Fatima, Living Water, Cogon, Katangkungan 1, Katangkungan 2, Tayud at Ubos Pundok.

Inabisuhan naman ang mga motorista at may mga dalang sasakyan na gumamit ng alternatibong ruta at iwasan ang mga kalsadang binaha o hangga’t mataas pa ang lebel ng tubig-baha.

Samantala, naitala rin ang pagguho ng lupa sa Brgy. Buhisan at Brgy. Kalunasan nitong lungsod.

Isinagawa na rin ang pag-clearing sa nasabing lugar.