-- Advertisements --

(Update) DAVAO CITY – Matinding selos ang isa umano sa mga anggulong tinitingnan ngayon ng mga otoridad kung bakit nagawa ng isang ama na patayin ang kanyang dalawang anak bago rin ito nagpakamatay.

Una nito, nagulantang ang mga residente ng Barangay 39-D na nasa likurang bahagi ng Almendras gym nitong lungsod matapos matagpuan na wala ng buhay ang dalawang bata na sinaksak ng kanilang ama sa loob ng kanilang nirerentahan na kuwarto sa nasabing lugar.

Bago ito, nakilala ang biktima na sina Nessa Mae Aragon, 9, at kapatid nito na si John Victor Aragon, 7.

Samantalang ang suspek na ama ng mga ito ay nakilalang si Fajarito Aragon, 57, isang traysikad driver na nagpakamatay rin matapos ang nagawang krimen.

Sa inisyal na imbestigasyon ng kapulisan, posibleng sinakal muna o nilunod ng suspek ang kanyang dalawang anak bago ito nagsaksak sa kanyang sarili.

Nabatid na mag-iisang buwan ng iniwan ang suspek sa kanyang asawa na nakilalang si Bernamie Dalangin, 34, na nasa General Santos City dahil sinasaktan umano ito ng suspek.

Ayon kay Amalia Ganzan, lola ng mga bata na noong nakaraang Huwebes ay inireklamo nila ang suspek sa otoridad matapos magsumbong at umiiyak ang kanyang mga apo na papatayin sila ng kanilang ama.

Sinubukan umano niyang kunin ang mga bata ngunit ibigay ni Fajarito hanggang sa mangyari ang krimen.

Samantalang bago rin ang nangyaring krimen ay may nakasulat sa dingding sa loob ng kanilang bahay na sinasabing nagseselos ang suspek sa post ng kanyang asawa sa facebook at hindi rin umano ito sumasagot kung tatawagan sa kanyang cellphone.

Nagpapatuloy naman ngayon ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing krimen.