GENERAL SANTOS CITY – Matinding takot ang naramdaman ng mga residente sa Kodiak, Alaska matapos ang 8.2 magnitude na lindol sa Alaskan peninsula.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Bombo International Correspondent Bryan Capao, residente sa Brgy Calumpang GenSan at isang driver sa Kodiak na natutulog siya sa kanilang bahay noong tumama ang malakas na pagyanig habang nasa trabaho naman ang kanyang maybahay.
Matapos makatanggap sa cellphone ng alert message ang kanyang tatlong anak na sinundan rin nakakabinging siren ay kaagad silang lumikas ng kanyang buong pamilya patungo ng Pilar Mountain.
Nagdulot ng matinding traffic sa mga kalsada patungo sa naturang mataas na bundok dahil sa pagkukumahog ng mga residente na kaagad na makalikas.
Naghihintay na lamang sila ang abiso mula sa pamahalaan kung kailan ligtas na bumaba mula sa bundok para makabalik sa kanilang tahanan.
Nabatid na nag-isyu ng tsunami warning matapos ang malakas na pagyanig.
Batay sa mga reports na nasa 13-meters o tinatayang 40 foot ang alon na namataan sa coastal areas 300 milya mula sa Alaskan Coast.