-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Tinanghal bilang bagong WBC Asia Continental light flyweight champion ang Pinoy boxer na si Jayson Vayson matapos nitong talunin sa 10-round fight ang Indian boxer na si Nutlai Lalbiakkima sa pamamagitan ng unanimous decision sa kanilang naging laban sa Dubai.

Nagbigay ang mga judges ng scores na 97-94, 97-93 at 96-94 na lahat ay pabor kay Vayson.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Jayson, inamin nito na maikling panahon lamang ang kanilang nagawang paghahanda sa naturang laban pero lubos ang kagalakan ng boxer dahil naging matagumpay pa rin ito.

“Biglaan lang ang naging laban namin, 1 month and 2 weeks lang para makapaghanda ako sa laban. Subsob ang ginawa naming training ni coach, nag-hard [training] na kami tapos tiningnan namin ang kaniyang mga laban. Pinag-aralan namin kung anong mga istilo ang gagawin sa laban at sa wakas nakuha naman namin,” ani Jayson.

Sa kasalukuyan, malinis ang record ni Jayson sa kaniyang professional boxing career kung saan mayroon na itong 10 panalo at wala pang talo.

Samantala, nakalasap naman ng unang talo ang Indian boxer na si Nutlai sa kamay ng Pinoy boxer.

Matatandaan na si Nutlai ay humihingi ng rematch.

Gayunpaman, pinag-iisipan pa ngayon ng team ni Jayson kung papayag sila sa kahilingan ng Indian boxer.