-- Advertisements --

Asahan na umano ang 15 porsyentong dagdag sa dami ng mga sasakyang dadaan sa North Luzon Expressway (NLEX) sa papalapit na Semana Santa.

Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, ito umano ang kanilang pagtataya batay sa naitalang dami ng sasakyan noong nakalipas na taon.

Pumalo kasi sa 330,000 na mga sasakyan kada araw ang nairehistro ng NLEX noong kasagsagan ng Holy Week nitong 2018, na mas mataas kumpara sa 250,000 na sasakyan kapag ordinaryong araw.

Tiniyak naman ng NLEX na handa ang kanilang panig na ma-accomodate ang naturang bilang.

Sa kabilang dako, maaari naman umanong pumalo sa 20 porsyento ang dagdag na dami ng mga bibiyahe sa Manila-Cavite Expressway (Cavitex).

Sinabi ni Cavitex President at General Manager Roberto Bontia, posibleng umakyat sa 170,000 hanggang 175,000 na sasakyan ang maitatala simula sa Miyerkules Santo.

Ito umano ay mas mataas kumpara sa 150,000 hanggang 160,000 na pangkaraniwang bilang ng mga sasakyan sa super highway.

Ngunit maari umanong bumaba ang nasabing bilang pagsapit ng Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay dahil karaniwan umanong buhos ang mga umuuwi sa mga lalawigan kapag Miyerkules Santo.