-- Advertisements --

Nakahanda na umano ang dalawang self-confessed Davao death squad member na sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas na harapin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ang dalawang self-confesed hitmen ang inaasahang tetestigo at iprepresenta ng prosecution team, oras na simulan na ang pagdinig sa kasong crimes against humanity ng dating pangulo.

Ayon kay Fr. Albert Alejo, isa sa mga boarder board member ng international human rights organization na No Peace Without Justice, matagal nang hinihintay ng dalawa na makaharap ang dating pangulo.

Sina Matobato at Lascañas ay kapwa nasa ‘protective custody’ ng ICC ngunit hanggang sa ngayon, hindi pa inilalabas ang kanilang kinaroroonan.

Ayon kay Fr. Alejo, kapwa mga insider ang dalawa at kabisado nila ang sistemang ipinatupad ng dating pangulo sa kaniyang mga kampaniya laban sa ilegal na droga mula noong alkalde pa siya hanggang noong naging pangulo ng Pilipinas.

Mahalaga rin aniya sa isasagawang paglilitis na mayroong mga testigo na umaako ng kanilang ‘involvement’ o pagkakasangkot sa isang krimen at nakahandang sabihin ang mga nalalaman o akuhin ang kasalanan.

Maalalang ang dalawang self-confessed hitmen ang una na ring tumestigo sa ilang serye ng pagdinig mula pa noong panahon na nanunungkulan si Duterte bilang pangulo ng Pilipinas.