Mas lalo umanong tumaas ang respeto ni Matteo Guidicelli sa mga sundalo kasunod ng kanyang pagtatapos sa halos isang buwang training ng Scout Ranger Orientation Course sa Camp Tecson, Bulacan.
Pahayag ito ng 29-year-old Filipino-Italian actor, tatlong araw matapos ang graduation kung saan siya rin ang nanguna sa halos 100 kasabayan sa pamamagitan ng grado na 95.20 percent.
Gayunman, umabot aniya sa punto na kinuwestyon nito ang kanyang kakayahan at kung matatagalan niya ang nasabing training.
“The first four days, ‘yung transition period ko na sobrang hirap, sobrang self-pity. That’s when I thought baka hindi ko kaya? But the objective always came back to my mind,” ani Guidicelli.
“The second time was in one of our activities, it’s called escape and evasion, what happens when you get captured by the enemy. Sabi ko baka hindi ko na kaya. But it’s all mindset. Nandito naman tayo,” dagdag pa ng kasintahan ng celebrity ding si Sarah Geronimo..
Nabatid na si Guidicelli ay 2/Lt. sa Army Reserve Command ng Philippine Army.
Una nang inihayag ni Matteo na dagdag sa kanyang inspirasyon ay ang ibinigay na goodluck wish mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte nang siya ay bumisita sa Palasyo.
Sinasabing 30 minutong nag-usap ang dalawa kung saan tinalakay ni Matteo ang kanyang mga planong proyekto para sa mga sundalo.