-- Advertisements --

Kanya-kanyang panawagan sa publiko ang ilan sa mga bidang artista mula sa walong official entries ng 47th Metro Manila Film Festival (MMFF), na tangkilikin ang muling pagbabalik ng pelikulang Pinoy tuwing Pasko.

Ito’y matapos ang unang araw ng pagpapalabas sa MMFF entries kahapon, December 25, kung saan sinasabing matumal ang buhos ng mga tao sa mga sinehan.

Para sa beteranong aktor na si Raymond Bagatsing, nauunawaan daw nito kung kakaunti pa lamang ang mga nagsisipagnood sa mga sinehan.

Kasamang bida ni Bagatsing sa horror entry na “Nelia” ang actress turned beauty queen na si “Winwyn” Marquez.

Ang aktres naman na si Kim Chiu ay nagbubunyi dahil nadagdagan aniya ang mga sinehan kung saan mapapanood ang kinatatampukan nitong horror entry din na “Huwag Kang Lalabas.”

@chinitaprincess
More Cinemas Added today!!!!🍿🎥🎞😁🙏🏻 Yahooo!!! Maraming Salamat po sa lahat ng mga nanood at tumangkilik patuloy po nating supportahan ang pelikulang pilipino.

Iba’t ibang genre ang MMFF entries ngayong taon mula sa social drama, horror, action, suspense, romance, at comedy.

MMFF 2021 8 entries

Una rito, may mga netizen na nag-post ng mga larawan habang sila ay nasa sinehan kasabay ng araw ng Pasko kung saan karamihan ay halos walang pila, kompara noong wala pang pandemya na talagang tradisyon na ang pagtiyaga sa pila ng MMFF films.

Nabatid na may mga ipinapatupad na patakaran ang Inter Agency Task Force sa pagpayag na buksan muli ang mga sinehan, kabilang ang pagbabawal na kumain sa loob, gayundin na dapat ay laging nakasuot ang face mask, one seat apart kahit magkakamag-anak, bawal ang hindi fully vaccinated at iba pang safety protocol kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

May mga nagpahayag na kanila raw muna hihintayin ang resulta ng Gabi ng Parangal o ang awards night ng MMFF bukas, December 27.

Noong nakaraang taon sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, virtual o sa pamamagitan lamang ng online idinaos ang MMFF kung saan big winner ang coming-of-age movie na “Fan Girl.”

Hinakot kasi nito ang halos lahat ng major awards gaya ng best float, best screenplay, best picture, best director para kay Antoinette Jadaone, best actress sa newcomer na si Charlie Dizon, at best actor kay Paulo Avelino.