Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may koneksiyon sa international terrorists ang matriarch ng Maute na naaresto sa Barangay Kormatan, Masiu, Lanao del Sur.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla Jr., batay sa kanilang nakuhang impormasyon ang Maute matriarch na si Ominta Romata Maute alias Farhana ay nagmamantine umano ng koneksiyon sa international terrorists group.
Hindi naman sinabi ng heneral kung anong mga dayuhang organisasyon ng mga terorista ito.
Ibinunyag pa ni Padilla na ito pa mismo ang nag-uudyok sa mas marahas at malupit na aksiyon.
Pagbibigay-diin pa ni Padilla na napakaraming dapat ipaliwanag sa mga otoridad ni Ominta.
Tumanggi namang isapubliko ng AFP ang kinaroroonan ngayon ni Ominta Maute at ng iba pang mga kasamahan nito na naaresto.
Kasamang nahuli si Ominta ang tatlong babae, apat na lalaki at isang bata nitong nakalipas na Biyernes.
Wala namang impormasyon ang militar kaugnay sa pagkamatay ng tatlong anak nito.
Sinabi ni Padilla na malaking hakbang ang pagkakaaresto sa nanay ng mga Maute para makumpirma na namatay ang tatlo sa pito nitong anak na nakikipaglaban ngayon laban sa militar.
Una nang nahuli ng mga otoridad ang patriarch ng mga Maute na si Cayamora sa checkpoint sa Davao City at ngayon ay nakakulong na sa Metro Manila.