Dumating na sa Metro Manila ang ama ng Maute brothers na si Cayamora Maute na una nang naaresto sa isang checkpoint sa Davao City.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, past midnight nang dumating sa Metro Manila ang nakakatandang Maute.
Hindi naman idinetalye ni Padilla ang biyahe ng ama ng mga Maute.
Aniya, hindi batid ng militar kung saan ito dinala para pansamantalang ikulong.
Sinabi na rin ng mga otoridad na dapat ilipat mula sa Davao si Cayamora dahil sa pangamba na “i-rescue” ito ng mga kasama lalo na ngayon na nasa ika-16 na araw na ang krisis  sa Marawi at hindi pa rin nareresolba.
Nahuli si Cayamora ng Joint Task Force Davao at ang apat na kasamahan nito na nakilalang sina Kongan Alfonso Balawag ang ikatlong asawa ni Cayamora; ang kaniyang anak na si Norhayna Maute; ang asawa ni Norhayna na si Benzarali Tingao; at ang driver nila na si Aljon Salazar Ismael.
Samantala, kagabi naman naaresto ang dating mayor ng Marawi na si Salic Umpar Fajad na nahaharap sa kasong rebellion.