-- Advertisements --

Maghaharap ang Dallas Mavericks at Memphis Grizzlies para pag-agawan ang ikawalong pwesto sa western conference at tuluyang umusad sa 2025 Playoffs.

Una rito ay pinataob ng Dallas ang Sacramento Kings sa naging harapan ng dalawa ngayong araw(April 17), 120 – 106.

Nanguna sa panalo ng Dallas ang tandem nina Anthony Davis at Klay Thompson kung saan kumamada si Davis ng 27 points at siyam na rebounds habang 23 points naman ang ambag ng sharpshooter na si Thompson.

Hindi naisalba ni DeMar DeRozan ang kaniyang koponan, sa kabila ng kaniyang 33 points, 7 rebounds performance.

Kahapon ay pinataob din Golden State Warriors ang Memphis at ibinulsa ang ika-pitong pwesto sa western conference, daan upang tuluyang mapagharap ang Grizzlies at Mavericks para sa ‘battle for No. 8’ sa western conference.

Magaganap ang laban sa pagitan ng dalawa sa Abril-19, oras sa Pilipinas.

Sa ngayon, tanging ang ika-walong pwesto na lamang ang bakante kapwa sa eastern at western conference ng NBA.

Nakatakda ang pagsisimula ng Playoffs sa Abril-20 kung saan walong team ang magtatagisan upang ibulsa ang unang panalo at makuha ang momentum sa unang round ng elimination.

Sa eastern conference, maghaharap sa naturang araw ang Indiana Pacers at Milwaukee Bucks, at New York Knicks at Detroit Pistons.

Sa western conference, nakatakda namang magharap sa kaparehong araw ang 2023 NBA champion na Denver Nuggets at los Angeles Clippers na susundan ng 2020 NBA champion na Los Angeles Lakers at Minnesota Timberwolves.