Nakaisa na rin ng panalo ang Dallas Mavericks nang ilampaso ang Los Angeles Clippers sa score na 124-73.
Nagtala ng NBA record ang Mavs dahil sa halftime pa lamang ay umabot na sa 50 points ang kalamangan, 77-27.
Sinasabing ang 50-point deficit ng Clippers ang pinakamalaki sa kasaysayan mula nang ipatupad ang “shot-clock era” na nagsimula noong mga taong 1954-55.
Sinamantala ng Dallas (1-2) ang kawalan ng dating NBA MVP na si Kawhi Leonard na nagpapagaling pa sa injury matapos na umabot sa pitong tahi sa kanyang mukha nitong nakalipas na Christmas day game.
Nanguna sa opensa ng Mavs si Luka Doncic na may 24 points.
Dumiskarte ng husto si Doncic na may 18 points, seven rebounds at four assists sa first half.
Sa second half sina Josh Richardson na merong 21 points at Tim Hardaway Jr. na nagpakita ng 18 points ang nagsama ng puwersa sa wala patawad na pagtambak sa Clippers, na una nang nagtala ng dalawang panalo kasama na ang pagsilat sa defending champion na Los Angeles Lakers.
Para naman kay Paul George, na meron lamang 15 points, hindi naman daw “big deal” ang kanilang pagkatalo dahil isa lang naman ito.
Aminado rin si George na nahirapan sila sa laro lalo na at kagagaling lamang sa selebrasyon sa kapaskuhan.
Ang next game ng Mavericks ay kontra sa Charlotte sa Huwebes.
Ang Clippers naman ay host sa Minnesota sa Miyerkules.