-- Advertisements --

Tumabo ng 28 points si Luka Doncic upang akayin ang Dallas Mavericks tungo sa 127-114 pagsilat sa Los Angeles Clippers para itabla sa 1-1 ang serye nila sa Western Conference playoffs.

Dalawang gabi makaraang magtala ng 42 points sa tinaguriang highest-scoring debut sa kasaysayan ng postseason, siyam na minuto lamang na naglaro si Doncic sa second half kung saan nagtapos din ito na may walong rebounds at pitong assists.

Umasiste rin si Kristaps Porzingis na kumana ng 23 points para sa Mavs, na tinalo ang Clippers sa unang pagkakataon sa limang beses na pagtatagpo nila ngayong season.

Ito rin ang kanilang unang panalo sa playoffs mula noong 2016.

Humakot naman ng 35 points at 10 rebounds si Kawhi Leonard, habang si Paul George ay inalat naman sa kanyang 14 points para sa second-seeded Clippers.

Naghulog ng 14-4 bomba ang Dallas upang palawigin sa 98-85 ang iskor pagpasok ng final canto, at itinulak pa ang abanse sa 18 sa huling 12 minuto.

Sa araw ng Sabado gaganapin ang Game 3.