-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Ikakalat ang higit 2,800 na organic members ng Philippine National Police (PNP) na bumubuo ng Civil Disobedience Management (CDM) team upang magbigay seguridad sa mga aktibidad na inaahasang isagawa ng labor at progressive groups sa Northern Mindanao bukas.

Kaugnay ito sa paggunita ng bansa ng ika-122 taon na Labor Day celebration kung saan nakaugalian na magsagawa ng simpleng programa ang labor groups upang ipaalala sa gobyerno ang kahalagahan ng working force para gagalaw ang pambansang ekonomiya.

Sinabi ni Police Regional Office 10 spokesperson Major Joann Navarro na maliban sa deployed CDM members ay mayroon din sila binuo na Reactionary Standby Support Force na tutugon sa mas malaking pangangailangan ng seguridad.

Paalala ng PRO -10 troopers sa lower units na prayoridad na ipapairal ang maximum tolerance kung sakali na mayroong komprontasyon mula sa mga raliyesta na gugunita ng taunang Araw ng mga Manggagawa.

Magugunitang simula sa administrasyon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ay tila naglaylo rin at unti-unting nawawala ang mga tukoy na ‘hardcore’ leaders ng progresibong mga grupo na nangunguna kada-gunita ng Labor Day.