-- Advertisements --

Nag-set up ng mga checkpoints ang PNP at AFP sa mga lugar na malapit sa Taal danger zone.

Ito ay matapos magkukumahog ang ilang mga evacuees na umuwi sa kanilang mga tahanan para umano pakainin ang kanilang mga naiwang hayop at alamin ang kondisyon ng kanilang mga tahanan.

Nasa mahigit 2,000 mga pulis ang nagbabantay sa mga entry at exit points ng sa gayon ay hindi na malusutan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Batangas Police Provincial director Col. Edwin Quilates sinabi nito na nakipag-ugnayan ang PNP sa mga local government units para payagan ang ilang mga residente na makauwi pero binigyan lamang sila ng hanggang dalawang oras.

Tiniyak naman ni Quilates na maximum tolerance ang paiiralin ng mga pulis bunsod sa maraming mga residente ang nakikipagtalo sa mga pulis na gustong bumalik sa kanilang mga tahanan.

Kahit pinapayagan ang ilang mga residente makauwi ng dalawang oras sa kanilang tahanan, pinaalalahan ng PNP at AFP sa mga residente na off limits pa rin ang mga lugar malapit sa Taal Volcano island.

Dahil dito nagtalaga ng mga checkpoint para mapigilan ang mga residente na umuwi sa kanilang mga tahanan.

Samantala, ang PNP Maritime Group naman ay nagsasagawa ng patrolya sa Taal Lake para bantayan ang mga magtatangkang pumasok sa Volcano island.

Bukod sa mga residente, ni-rescue rin nila ang mga alagang hayop.

Sa kabuuan nasa 29 kabayo at tatlong baka ang kanilang na-rescue kahapon.

Apela naman ng mga otoridad sa mga residente na makipagtulungan sa mga ipinapatupad na patakaran para makaiwas sa disgrasya.

Ayon pa kay Col. Quilates unstable pa ang sitwasyon ng bulkang Taal kaya hindi pa pinapabalik ang mga residente.