KALIBO, Aklan – Pormal nang kinasuhan ng Malay Municipal Police Station ang may-ari ng apat na bar and restaurant sa isla ng Boracay na itinuturong pinagmulan ng diumano’y superspreader na party sa kabila ng umiiral na community quarantine.
Nahaharap sila sa paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act o Republic Act 11332.
Ayon kay Lt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Police Station, inihain ang reklamo sa Provincial Prosecutor’s Office noong Abril 15 laban sa hindi pinangalanang mga negosyante.
Nabatid na noong Marso 10, 2021 may isang turista na dumalo sa isang birthday party at pagkatapos ay nag-bar hopping sa isla at sa kanyang pagbalik sa Maynila dito pa lamang nadiskubreng nagpositibo ito sa coronavirus disease (COVID-19).
Nakasalamuha nito ang maraming tao kaya nagkaroon ng hawahan.
Dahil sa pagtaas ng kaso ng coronavirus sa isla, noong Abril 7 isinailalim sa dalawang linggong enhanced community quarantine ang Barangay Balabag habang naka-surgical lockdown naman ang Barangay Manocmanoc.
Umaasa si De Dios na magsilbi itong mahigpit na babala sa mga establisyemento na hindi sumusunod sa Inter-Agency Task Force (IATF) omnibus guidelines.