-- Advertisements --

Hawak na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 3 ang mga dokumento na isinumite ng may-ari ng Chuzon Supermarket na bumagsak dahil sa malakas na lindol noong Lunes sa Porac, Pampanga.

Ayon kay CIDG-Region 3 director Pol. Col. Chris Abrahano, mismong ang supermaket owner na nakilalang si Samuel Chu ang nagsumite sa kanya ng building plan, floor plan, listahan ng mga empleyado at iba pang dokumento na gagamitin sa imbestigasyon.

Nilinaw naman ng CIDG na walang timeframe sa kanilang imbestigasyon, subalit tatapusin nila ito sa lalong madaling panahon.

Sinisiyasat na aniya nila kung sumunod ba sa building code ang may-ari ng supermarket at kung kompleto ang mga permit nito nang itayo ang gusali noong 2014.

Tiniyak naman ng CIDG na kanilang tutuldukan sa kanilang imbestigasyon ang mga tanong kung bakit ni-renovate sa 4-storey building ang gusali na nakadisenyo lamang ng dalawang palapag.

Sa kabilang dako, nagsasagawa na ng technical inspection ang CIDG Region 3 sa Chuzon supermarket katuwang ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways.